Ni Christine Helen M. Adriano
3 Agosto 2021 — Inilunsad kahapon, Agosto 3, sa Victoria, Tarlac, ang kaunaunahang Dairy Box sa lalawigan na magsisilbing sentro ng merkado ng mga magsasakang manggagatas.
Layunin ng paglulunsad na ito na makatulong sa ating mga small hold dairy farmers upang madagdagan ang kanilang kita para sa kanilang mga pamilya. Ito ay magsisilbing tindahan ng masusutansyang produktong mula sa gatas ng kalabaw tulad ng pastillas, polvoron, yogurt, chocomilk, pastuerized milk, lactojuice at soft ice cream.
Sa kabila ng pandemya na kinahaharap ng bansa, ang naturang tindahan ay naipatayo mula sa pagsisikap ng DA-Philippine Carabao Center (PCC) at Central Luzon State University (CLSU) sa ilalim ng proyektong Carabao-based Improvement Network (CBIN) at sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Victoria, Tarlac.
Ang Mabulod Green Farm Producers Cooperative, Amia Cruz Agriculture Cooperative at Palayamanan Agriculture Cooperative ng bayan ng Tarlac ang mapapalad na mga kooperatibang napaghandugan ng Dairy Box.
Dumalo sa naturang programa sina Victoria, Tarlac Mayor Christian Tell A. Yap, mga opisyales ng DA-PCC sa pangunguna ni OIC-Executive Director Dr. Ronnie D. Domingo, Deputy Executive Director Dr. Caro B. Salces, DA-PCC at CLSU Center Director Dr. Peregrino G. Duran. Fumalo din si OIC Regional Executive Director ng DA Field Office III Dr. Crispulo G. Bautista Jr., at Senador Cynthia Villar na nagbigay naman ng kanyang virtual message.
Ang naturang tindahan ay bukas sa publiko araw-araw mula 8:00 ng umaga hanggang 9:00 ng hapon.